Monday 9 September 2013

ANG MGA USAL NA PANALANGIN NI FE IGNACIA


"Patay na ba ako?"

"Ikaw nagsabi."

"Huh?"

"Ikaw nga nagsabi, paulit-ulit ka."

"Huh? Sino ka ba?"

"Sino pa bang akala mo?"

"Teka, teka, hindi ko maintindihan! Ughhh! Sabihin mo na kase!"

Napaisip sya. Hindi makapaniwala. Napakamot ng ulo. Hindi nya matanggap...

"Talaga bang patay na ako??? Pano na ..."

"By the way, ako nga pala si..."

Biglang may malakas na tinig ng trumpeta.

"Ahhhhghhhhh! Sakit sa ulo parang nagka migraine ako, ano ba 'yon?"

"Yan ang signal."

"Huh? Signal ng alin?"

"Wala ka bang ibang alam kundi magtanong?"

"Malamang! Teka... sino ka ba?"

Naroon sya sa harapan ng desk ng taong iyon. Sa tabi ng desk may monitor malaking parang telebisyon, pero ang style ay lumang TV ng 1970. Napakaliwanag ng paligid.

“Panuorin mo muna ito.” Sabi ng matandang bantay doon.


***
“Anak ano gusto mong ulam?” Sabi ni aling Ignacia kay Dino noong umuwi ito sa bahay nila sa isla ng Sagburiyan. Noon ay nagsisindi ng kandila si aling Ignacia sa oras ng ika-6 ng gabi.

“Kayo bahala ‘nay alam nyo naman ang paborito ko.” Sagot ni Dino.

“kare-kare anak, alam na alam ko yan.” Ngiti ni aling Ignacia. Tinapos muna nito ang manalangin sa mga rebulto sa loob ng kanilang bahay bago ipaghanda ang anak.

“Te Deum omnipotentem, Creatorem caeli et terrae Redde uxorem deprecationem meam auribus percipe porro nostrum genus esse felicem..”

Mga usal na panalangin ni aling Ignacia. Tinitignan lamang sya ng kanyang anak na si Dino.

Habang nananalangin sa harap ng mga rebulto si aling Ignacia may hangin na humihip sa maliit nilang bahay at nagsimatay ang mga nakasinding kandila.

Noon naman si aling Ignacia ay nanginginig ngunit nakaluhod pa rin. Hindi alintana ang mga nagyayari. Walang kibo lamang si Dino.

Itinaas nya nag kanyang dalawang kamay mula sa pakubkob nito sa dibdib nya at palakas ng palakas ang panalangin..

“Te Deum omnipotentem,  quoniam inextinguibile est verbum fecistis uni Deo an diis exaudi nos omnes esse beati iterum redde uxorem familiae nostrae!!”

Huwag mong babasahin ang mga bagay na hindi mo naiintindihan.
Huwag kang magtangka.
Hindi mo alam..
Huwag ka magtangka.

“Te Deum omnipotentem, Creatorem caeli et terrae Redde uxorem deprecationem meam auribus percipe porro nostrum genus esse felicem!!!”

At napadapa si aling Ignacia. Walang malay.

Walang imik pa rin si Dino.

“’Nay?!” Itinatayo niya ang ina sa pagkadapa.

Umiiyak ang ina nya ng magkamalay.

Ganoon muli ang senaryo. Umiiyak muli ang ina nya. Ayaw nya ng ganoon iyon.. sinisisi nya ang kanyang ama…galit sya sa kanyang ama..may kung anong kirot ang nadarama ng kanyang puso. Madilim pa rin ang bahay nila gawa ng nangamatay na kandila sa poon.

Pagkatapos noo’y nagluto na si aling Ignacia ng paboritong ulam ng kanyang anak. Kumain silang sabay. Nagtatawanan. Oras alas-9 ng gabi noon. Busog na busog si Dino. Halos hindi na sya makahinga.


GABI sa oras ng alas-10. Lumabas si Dino.

“Hanggang tingin ka na lang brod...” Tawa ni Michael kay Dino.

“Balita ko mag-aasawa na raw yan si Jessica, yung mayaman sa kabilang kanto. He-he bagal mo brod.” Dugtong ni Michael inaasar si Dino. Tumatawa sya.

Tahimik lang sya. Nag-iisip. Tinitignan ang babaeng dumaan. Humithit ng sigarilyo dalawang magkasunod at halos mapuno ng usok ang lugar kung saan sila nakatayo. Noon ay nakatambay sila sa sari-sari store nila Ka Domeng.

“Uminom na lang tayo pre. Birthday ni Kuya Boy.” Sabi ni Dino kay Michael. Hindi na sila nagtalo. Nagtungo na sila doon.

Sobrang saya nila sa gabing iyon. Nagtatawanan kung bakit ang daming brownies sa handa nila kuya Boy nila. Parang konting ano lamang ay nagtatawanan sila. Maingay. Ang ibang kapitbahay nila ay nagagalit na sa kanila.

Dumaan noon si Jessica malapit sa kanto kung saan nag-iinuman ang mga lalaking ito. Natatakot sya. Nagmamadali.

Naroon si Michael. Inaabutan ng brownies ang dalaga.

“Ayaw ko. Busog na ‘ko kuya.” Sabi nya.

“Tikim ka lang, masarap.” Nakangiti si Michael.

Hindi pa rin tumitigil si Michael. Medyo lasing na ito. Sobrang takot ni Jessica tumakbo ito at hindi na nya hinabol pa, noon ay nakatingin lamang si Dino.

“Pare, wag ka manulot.” Tinapik ni Dino si Michael. Tumawa lamang ito. Sarkastiko.

“Hindi pre.” Nagpatuloy sila sa session nila. Napakasaya ng gabing iyon. Hindi nila mapagtanto. “Iba” ang saya ng gabing iyon.

Naiba nag usapan nila. Napunta sa pagpapakita raw ng isang napakalaking aso sa lugar nila sa Sagburiyan. Kinilabutan si Michael. Nakikinig lamang si Dino sa kwento ni kuya Boy at iba pang nasa harapan ng maraming alak at brownies pati ng inihaw na bituka ng manok.

“kalahati aso, kalahati naman tao.” Seryosong seryoso si mang Boy.

Tawanan ang lahat.

“Pre, uso pa ba yan?” Sabi ni Romeo. Isa sa kasama sa session na iyon.
Nagtatawanan pa rin sila.

“Naglalakad daw ang aso na yon sa may malapit sa eskinita at namiminsala..” Patuloy ng nagkukwento.

“Kuya, sino nagluto ng brownies na ‘to? Si ate ba?” Putol ni Dino.

Napatahimik ang lahat sa tanong niyang iyon.

“Binili ko yan pre, yan ang pinakamasarap na halo sabi nila.” Sagot ni mang Boy.

“May halong gaenha?” Tawa ni Michael.

“Gaenha! Oo Tanga! Hahahaha!” Sagot ni mang boy. Namumula na sya. Sabay inom.

“Ah, masarap nga ho.” Nagpatuloy sila.

“Ano ho ba ang gaenha?”  Nagtataka si Dino. Nakarami na rin sya.


***
“Naalala mo ang mga pangyayaring yan?”

“Bakit ko napapanood ang sarili ko dyan?”

“Hahahaha! Malamang high-tech na rin kaya dito sa langit! Mas nauna pa kaming maging high tech kaysa sa mundo ano?” Sagot ng bantay. Ang tinutukoy nya ay ang TV na mukhang 1970 ang style.

Tinignan nya ang bantay na nagsasalita. Sobra ata saya ng taong iyon.

“Ano ba gusto mo palabasin?” Sabi ni Dino.

Tumunog na ang ikatlong trumpeta. Nagmigrane sya muli.

“Ahhhhhhgghhgh!!! Siraulo ka ba alam mo ng masakit sa ulo yung tunog bakit paulit-ulit?”

“Shhhh... Hindi ka pwede magsalita ng masama dito! Hindi ka dapat magsalita ng hindi kaaya-aya sa pandinig ng Diyos!”

“Ehh Napakasakit sa ulo ng tunog na yan! Bakit!! Ang hindi ba paggawa ng masama ay nangangahulugang ikaw ay mabuti?” 

Pagkatapos niyon ay nagtatakbo si Dino. Sobrang sakit sa tenga ng tunog.

“Pilosopo ka!”

“Pilosopo ka!!!” sabi ulit ng bantay.


Nakaupo si Dino kung saan tanaw ang dagat ng Maynila. May lumapit sa kanya.

“Magtago ka.” Sambit nito.

Kampante syang nagpapahangin sa lugar na iyon ng Manila bay. Nakikita doon ang kay gandang paglubog ng araw. Nawala na rin ang sakit ng kanyang ulo.

Napatingin sya sa nagsalita. “Huh? Bakit?” Tinatanong nya kung bakit sya pinapagtago nito.


“Hahabulin ka nila baka pag naabutan ka nila hindi mo malaman ang gagawin mo…” Sagot ng lalaking nakaitim na T-shirt. May tatak ang kanyang noo inaaninag ni Dino ito ngunit hindi nya mabasa.

“Bakit ako?” Tinanong nya muli ang lalaking nakaitim na T-shirt. Medyo malaman ito ng bahagya ang buhok ay kulot-kulot na nakasabog pataas parang apro ang style.

Tinitignan ni Dino ang buhok ng lalaki pati na rin ang nakatatak parang tattoo sa noo nito.

“Hindi mo ba alam na pinagbabawal na ni Presidente Dingdong Dantes ang pagiging mapayat? Tignan mo itsura mo, mukha kang butiki sa payat.”

“Si Dingdong Dantes na ang presidente?” Tawa ni Dino.

“Oo! Bakit hindi mo alam? Kaka-eleksyon lang. Mura na rin ang bigas at lahat ng mga bilihin dito sa Pilipinas. Okey nga e. Mabuti at nagawa iyon ng ating presidente.”

“Hindi na magugutom ang mga tao…lalo na ang mga palaboy… Mabibili mo na lahat ng gusto mong pagkain at nagkakaisa na sa gobyerno natin.” Patuloy ng lalaking nakaitim. Kumakain na sya noon ng egg sandwich habang nakatingin sa dagat.

“Buti nga mura na lahat ng bilihin. Ayos! Hindi na nangungutang ang nanay ko sabi nya sa akin. Pero wala sya e nasa probinsya namin.” Patuloy ng lalaki. Nakikinig lamang si Dino. Nagtataka sa mga pangyayari. Kanina may kausap syang matanda na parang baliw, ngayon mukhang baliw din yata ang kausap nya? Napapailing si Dino. Si Dingdong na presidente? Astig yon ah?

“Ikaw saan probinsya mo?” Tanong ng lalaking nakaitim.

Naiisip na noon ni Dino ang kanyang ina nasa kanilang probinsya sa Sagburiyan.

“Alam mo sa probinsya namin, sa Cebu, ang galing magpalakad ng bagong gobernador,” Patuloy nya.

Nakita ni Dino ang maraming tao galing Roxas may mga hawak na pamalo.

“Kilala mo ba yon? Bagong gobernador  na ng Cebu si Enrique Gil.” Patuloy ng lalaking nakaitim.

“Pre, may saltik ka ba?”Tanong nya sa lalaki. “wala akong alam sa mga sinasabi mo... Sinong Enrique? Di ba artista ang sinasabi mo?”

“Wala kang alam? Yan ang hirap sayo hindi ka nakikialam sa gobyerno natin.”

“Ano bang pakialam mo? Ang pagkakaalam ba ng mga bagay-bagay sa gobyerno o kahit hindi sa gobyerno, ibig sabihin ba nito isa ka ng mabuting mamamayan dahil nakikialam ka?” Nag-iinit na ang ulo ni Dino sa taong kaharap nya.

Patuloy ka lamang nagiging sunod-sunuran sa mga gusto nila… marami kang gusto… ngunit hindi mo ipinapahayag...Hindi ka magiging masaya kung palagi kang susunod sa kanila… Sinasabi ko sayo… Hindi makukuha ang tunay na kasiyahan kung lagi kang susunod!!!” Sigaw ng lalaking naka T-shirt ng itim kay Dino.

“Ano ba problema mo?!” Sigaw din ni Dino sa lalaki. Gusto na nya ito sapakin dahil sa paninigaw nito.

Ngunit nakita sya ng karamihang tao. Ito na ang naatasan ng pamahalaan hulihin ang hindi sumusunod sa tungkulin.

“Hulihin sya! Hulihin sya!” Sigaw ng marami. Nagtatakbo muli si Dino.

“Bakit ako?” Tanong nya sa sarili. Naalala nya ng sinabi ng lalaking nakaitim, mukha raw syang butiki sa payat. Hinuhuli na ang mga mapapayat, hindi sumusunod at mga palaboy at walang trabaho.



***
HINDI sya makatulog. Nais nya magpahinga ngunit hindi pinapayagan ng isip nya. Maraming bagay ang kanyang naiisip.

“Dami ko kasing nakaing brownies,” Naalala nya ang sinabi nilang halo nito. Gaenha.

Ganja.
Tinawag sya ng isang kaibigan binulungan sya naroon na sya higaan noon.

“Hindi ka naman natutulog pagpatuloy natin ang ganja. Ilagay mo sa sigarilyo. Hithitin at amuyin mo. Mabango diba?” Tanong ng kaibigan nya.

“Oo. Mabango nga.” Nagpatuloy sila ng 3 oras.

PAGKATAPOS ng dalawang taon nagpatuloy ang ganitong gawain. Nalaman nya na marami pa lang benepisyo ang ginagamit nila, nagbebenta rin sila ng brownies na may halong ganja, tapos marami pa syang pinagkakakitaan. Hindi alintana ng kanyang ina sapagkat nag-iisa lang itong anak. Walang trabaho kung minsan, pa-extra extra lang, kung ano ang meron iyon ang pang-aabutan.

Noong minsan bumili si Dino at ang kanyang kaibigan ng cup ng candy. Binuksan.

May tunog.

Enggggg..  Tunog ng violin ng Canon rock ni Pachelbel.

Pangalawa.

Enggghghgjszkm. Nagpatuloy ang Canon Rock.

Natuwa sya. Inulit.

Enghsgjjnzdjnjd. 

Tawa sila ng tawa. Sinunod-sunod.

Enggggg.. ♫ Enggghghgjszkm.♫  Enghsgjjnzdjnjd. ♫ ♫ ♫

 Tunog ng violin ng Canon Rock.

Pagkatapos niyon, nagkaron muli sila ng session. Masaya.


***
HINDI sya makapaniwala sa kwento ni mang Boy. Totoo pala ang sinasabi nitong asong malaki na naglalakad kung gabi at namiminsala ng mga tao. Nakita nya ito habang papauwi sya sa kanila.

Gabi noon. Naglalakad sya sa may eskinita pauwi sa kanila. “Subukan mo lang aso ka…

Kinakabahan sya. Nakakakilabot sapagkat alas onse na ng gabi iyon. Pasilip- silip sya sa may eskinita.

Doon daw kasi lagi dumadaan ang aso na sinasbi nila at namiminsala ng mga tao.

Nilakasan nya ang kanyang loob.

May naamoy sya. Hindi mapaliwanag. Sobrang baho.

Psst!!” Nagulat si Dino. Lumingon sa likod nya.. Wala syang nakitang tao sapagkat madilim na sa bahaging iyon.

“Huh!” Tinakpan nya ang kanyang tenga.

Patuloy ang sitsit.

Psst! Psst!” Tinatakpan nya pa rin ang kanyang tenga. Marahil ay ang kaibigan nya iyon si Michael.

Noon ay nagtatakbo sya. Diretso na sya sa kanyang higaan. Hindi na nya napansin ang kanyang ina na naroon sa sala nagdarasal muli. Nakaluhod sa harap ng altar nila na malaki.

Naroon na sya sa kanyang kwarto. Nagpapatuloy ang sitsit sa kanya... Lalong lumalakas ang tinig… Hindi nya maintindihan..sa wakas nagsalita ito may inuutos sa kanya… Madilim na noon sapagkat kapag gabi na ay walang mga ilaw kundi ang gasera.

Lumabas kaa… di ba nauuhaw ka, magpunta ka ng banyo..” sabi ng tinig na kaibigan nya. Akala nya ay mag-session sila muli.

Pinapakinggan ni Dino ang tinig. Oo, nauuhaw nga sya.. Naparami ng kain kanina.

Maraming inuutos ang boses na iyon sa kanya. Hindi lamang iisa ang boses ng kaibigan nya, marami. Lingon sya ng lingon kung saan nangagaling ang boses.

Pagkatapos ay nagpunta sya ng banyo.

Yung tubig sa bowl.. ayan!” Pinilit ni Dino inumin ang tubig.

“Pwee!” Luwa nya.

Hanggang nagtawanan ang mga boses. Hindi nya alam ang kanyang gagawin.

Pagkatapos ay bumalik sya sa kanyang higaan. Nakita pa rin nya ang kanyang ina at sinilip ang ginagawa. Mag-aalas dose na noon ng hating gabi. Nananalangin pa rin ito. Tinignan nya ang mga rebulto doon sa altar nila.

Kitang-kita nya ang pag-ngiti ng santo sa kanya. Pagkatapos ay bigla na lamang ito sumayaw. Umiikot.

Paikot-ikot. Habang ang mga kandila lamang ang nakikitang liwanag sa gabing iyon. Habang nakaluhod pa rin si aling Ignacia na ina nya, nananalangin.

Pinipigilan sumigaw ni Dino. Hindi nya mapaliwanag ang nangyayari sa kanya. Hindi nya matukoy kung alin ang totoo at hindi totoo sa kanyang nakikita.

Pagkatapos niyon ay pinipilit pa rin nya matulog.

Dumating ang umaga.

Naalimpungatan sya sapagkat maingay sa labas ng kwarto nya. Naririnig nya ang kanyang ina may kausap.

“Gagawin ko ang lahat! Hanggang kalian ako magdadasal… Maawa ka sa amin.” Nagpanikluhod ang babae sa harap ng kausap. Iyak ng iyak.

Nakikinig lamang si Dino.

Tinampal sa mukha ang kanyang ina.

Pak! Napakalakas ng tampal na iyon. Napatumba ang babae.

Nagulat si Dino. Bakit may nananakit sa kanyang ina?

Lumabas sya, si Dino. Nakita nya ang nanakit sa kanyang ina ay ang kalahating aso at kalahating tao na gumagala kung gabi.

Nagsalita ang nanakit sa kanyang ina. “Mga baliw kayo hindi ko kayo kilala!!!” Sigaw ng kaharap ng kanyang ina. Umiiyak na noon ang kanyang ina sa sobrang lakas ng pagtampal sa mukha nito.

Mahal na mahal niya ang kanyang ina, hindi nya matanggap na may nananakit dito.

Nanlilisik ang kanyang mga mata ng lumabas sya sa kwarto .Uminit ang kanyang katawan.

“Isa ka pa!” Sabi ng asong iyon kay Dino.

“Hindi mo ba ako kilala?” Tanong ulit ng aso. Nagtataka marahil animo ay wala sa katinuan ang kaharap nya.

Unti-unti namang nagbago ang anyo ng aso..parang naging halimaw lumaki ang katawan nito at nanlilisik din ang mata kagaya ng kay Dino.

“Ikaw pala!!!” Kinuha ni Dino ang itak sa loob ng kanyang kwarto. Nagmamadali. “Ikaw pala ang aso buti nakaharap kita ahhhhh!!!”

Maraming tao ang nasa labas. Nakikiusyoso sa kanila. Maingay.

Sasaktan nito ang kanyang ina kaya ipagtatanggol lamang ni Dino ang kanyang ina. Pinagtataga at hindi makailag ang halimaw sobrang lakas ni Dino…hindi  makalaban ang halimaw…nanlilisik ang mata ni Dino sa galit...napatay nya ang halimaw at duguan itong nahilata sa sahig...

Maraming tao ang nagpuntahan doon..pinalakpakan si Dino. Talon sya ng talon dahil malakas sya... pagkatapos ay hinabol sya ng mga tao.

“Yahoooo!!...” tawa sya ng tawa..

“Napatay ko na ang asong gumagala sa lugar natin!! Yehey!” Sambit ni Dino, pagkatapos ay tumakbo sya ng tumakbo. Hinabol sya ng mga tao. Sa isip nya, “Ang dami kong fans!” 

Iyon pala ay hinahabol sya ng taumbayan dahil sa ginawa nyang kasamaan.


***
“Nakita mo na ang ginawa mo? Tuwang-tuwa ka pa!!”

“Magsisi ka na sa mga bagay na ginawa mo, bakit mo siya pinatay?

“Hindi ka magmamana ng kaharian ng langit!”

“Hindi ka nararapat dito!”

“Hindi ko pinagsisihan na pinatay ko ang halimaw na iyon!”

“Ama mo yon bakit hindi mo sya kilala?”

“Wala akong kinalaman doon!” sambit ni Dino. Nagbabalik ang mga pangyayaring iyon sa kanyang isipan.

“Nasa presensya ka ng pinagbabawal!”

“Matigas kang anak! Igalang mo ang iyong ama at ina ito ay may kalakip na pangako sabi ng Diyos!”

“At isa pa, nagawa mong patayin ang walang kamuwang-muwang na sanggol sa kanyang sinapupunan...hindi mo ba alam na ang mga bata ang unang magmamana ng kaharian ng Diyos?...”

“Hoy! Ikaw, baliw ka ba? Hindi ko alam ang mga binibintang mo sa akin! Anong bata ang sinasabi mo tanda?”

“Hindi mo matandaan!! Nagpapaka-high ka kasi sa ginagamit nyong dahon! Yung kinakain nyong brownies na may halong kung anu-ano! Alam mo yon! Nagmamaang-maangan ka lang!”

“Nagpapatuloy ka sa paggamit ng pinagbabawal!”

“Hindi ka na naawa sa babaeng iyon! Matapos mong gawan ng bagay hindi mo matanggap ang pagkakamali nyo, hindi mo pinanagutan. Pati ang bata dinamay nyo pa! Wala na ang bata na sana masisilayan ang mundo! Wala kang kwentang ama!”

“Tama na ang bintang mo!!!” Sumigaw si Dino. Nagtakip ng tenga at naiiyak.

“Hindi maari… wala akong pagsisihan… Para kay inay yon… sasaktan sya…Hindi ako magsisisi…”

Tumunog ang pang-anim na trumpeta ito ang tunog na hindi nya mapagtanto sapagkat ang tunog na iyon ay kamukha ng tunog ng orasang malaki na kulay pula sa bulwagan ng lungsod ng Maynila... nagalit na talaga si Dino… dahil sobrang sakit na ang kanyang ulo sa tunog na iyon....ibang klaseng tunog...

Nagbalik muli sya sa lugar kung saan nakapwesto ang malaking orasan ng Maynila. Hindi nya maunawaan ang nakikita nya. Maraming tao. Hinuhuli ang mga mapapayat…pinapahuli ng bagong presidente...
Nakaputing damit si Dino noon naglalakad sya sa Burgos...kung saan malapit ang tunog ng malaking orasan.... pinipilit nya lumayo sa lugar na iyon... hindi nya alam ang pabalik sa matandang kausap nya kanina lamang....Pagkatapos ay may mga tao na nagtatakbuhan, akala nya ay may rally na naman sa Maynila... Tumakbo sya...sya pala ang hinahabol....

Nakita nya na nanlilisik ang mga mata ng mga taong humahabol sa kanya... mapayat pa rin marahil si Dino...Hindi na pinapayagan ng pamahalaan na may lumaboy-laboy sa lansangan...lahat ay makakatikim na ng murang bigas... mura na ang bilihin...Ngunit sya...

“Hoy tanda!!! Asan ka?” Hinahanap nya ang bantay na kanina lamang kausap nya.

Naririnig lamang nya ang boses nito. Nais nya itong sundan… saan man nanggagaling ang tinig ngunit bigo sya. Bumabalik-balik lamang sya sa lugar na iyon. Natatakot sya sa mga naghahabol sa kanya. Hindi nya alam kung saan magtatago at halos marumi na ang puting damit nyang suot sa araw na iyon.

Hanggang nagtago sya sa isang lugar na wala ng nagra-rally.


“Buti bumalik ka?” Tanong ng bantay. Nakangiti. Nagpakita sa kanya muli.

Nagulat si Dino ng bahagya tapos ay nagsalita na sya.

”Bago ka ngumiti, bigyan mo ako ng tubig, uhaw na uhaw ako kakatakbo kanina.”

“Kanina? Kelan ang kanina? Alam mo bang isang libong taon ka nawala, buti nga bumalik ka.”

“Nawala ako ng isang libong taon? Mamaya mo na ako bwisitin tanda, bigyan mo ako ng tubig uhaw na uhaw na ako…”

“Anak,” Pinagtatawanan sya ng matanda. “Anak, alam mo ba dito sa langit hindi kami nauuhaw? Kaya walang tubig dito. Hindi rin kami nagugutom. Pagmasdan mo ang mga bagay sa paligid mo ngayon...”

Minasdan nya... Naroon muli sya sa “langit.” Ang daming ginto... nasisilaw sya sa sobrang liwanag na namamasdan nya…

Hindi sya makapaniwala na sa langit sya napunta kahit na pinatay nya ang kanyang ama, kahit na pinatay nya ang walang muwang na sanggol…

Minasdan nya ang mga tao doon lahat sila ay nakaputi… nagpapatirapa sa gawi doon…

”Parang may concert si Gary V sa gawing iyon ah,”…. Hindi nya mapigilan matawa.

Kinakanta nila sa harapan ng pinagtitirapaan nya ang mga kanta para sa Diyos. Hindi pa rin sya makapaniwala.

 “Ok pala, andito na ako sa langit. Ambait mo naman kahit ni-replay mo yung mga ginawa ko dati, langit pa rin pala ang punta ko? Dito na lang ako ha, pero nakakuhaw kasi kanina ang daming humabol sa akin. Astig ka pre. Walastik.” Tawa nya. Sarkastiko.

“Astig ka pre, walastik?” “Ano ibig sabihin ng walastik?” Tanong ng bantay.

“Anong kahit na pumatay ka pwede ka dito? NAGKAKAMALI ka.” Sabi ng bantay.

“Anong nagkakamali, di ba nasa langit na ako?”

“Need mo magrepent.” Sabi ng bantay.

“Need? Ano ang repent?”

Lalong natawa si Dino. Malakas. Hindi sya maintindihan ng kausap. Parang ulol.

Narinig sya ng mga “nagkoconcert “sa gawi doon ng langit.

“Shhhh!” Pinatatahimik sya.


***
“Kung ano ang ina, syang anak.” Sabi ng isang babaeng kapitbahay nila.

“Kita mo nakakatakot si Ignacia, hindi man lang pinalibing ang anak?” Sabi ng kausap.
Mga bulong ng kapitbahay nila.

Alas-sais ng gabi noon. Madilim na muli sa kanilang bahay.
Pinag-uusapan sya ng mga tao roon… magulo ang kanilang bahay… Katakataka rin na hindi na maayos ang mga rebulto dati sa kanilang altar…inalis ni aling Ignacia ang mga rebulto sa altar nilang iyon at doon inihiga ang bangkay ni Dino. Umiiyak sya araw at gabi. Hindi nya matanggap na wala na ang kanyang anak. Hindi na ito nagising magmula ng naghapunan sila. Pinapagtawan sya dahil animo sya ay nabaliw, kinatatakutan sya ng kanilang mga kapitbahay…Dahil doon minsan na lang sya lumabas.

“Domine Deus omnipotens eu mi!”

Wag mo uusalin kung hindi mo naiintindihan.
Huwag ka magtangka, papasayo ang sumpa.
Makukumpleto mo na ang dalangin. Makukumpleto mo na…


***
”Napanuod mo na?” Sabi ng bantay.

Nalumbay si Dino. Nakita nya ang kanyang ina...nawalan sya ng gana...sobra ang pagmamahal nya sa kanyang ina... parang gusto na nya bumalik sa lupa muli.

Walang imik si Dino. Naupo sya sa dako doon ng langit.

“Alam ko nasa isip mo, gusto mo bumalik doon.. Para ano? Para mag-drugs ulit? Saka paano kang babalik, nangyari yan dalawang libong taon ang nakakaraan?”

Tinignan ni Dino ang matanda.

“Dalawang libong taon nakakaraan? Huh? Ganoon ba ang bilang libo agad kahit tatlong araw pa lang ako dito?”

Hindi pa rin sya mapakali.. gusto nya yakapin ang kanyang ina… wala na itong kasama sa bahay nila…..ulila na..iyak sya ng iyak…hindi nya alam kung bakit umiiyak sya pero hindi nababasa ang kanyang pisngi…

Tinatawanan sya ng bantay. “Alam mo ba na “pinahid” na ng Diyos ang lahat ng mga luha? Paanong ang iyong mga mata ay luluha pa? Hindi ka ba masaya?”

Noon ay tumunog ang ikapitong trumpeta… Hindi na sya nagka-migrane sa tunog ng trumpetang iyon… Wala na syang pakialam… Wala na syang magagawa kundi masdan ang kanyang ina na umiiyak araw at gabi.

“Gusto mo ba talagang bumalik?” “Isa lang ang paraan, magbalik loob ka.”

Kinakausap sya ng bantay. Nakaupo lamang si Dino sa isang gilid hindi sya sumasagot sa matanda, naririnig pa rin nya ang mga kumakanta ng papuri sa gawi doon ng langit.

Di ba sila napapagod kumanta…”  “Paano naman ako magbabalik loob, nangyari na mga iyon...” Winiwika lamang nya ito sa isip.

“Hindi talaga kami mapapagod kumanta para sa Diyos!” Sabi ng matanda sa kanya. “Hindi pa huli ang lahat para sa ating Diyos!”

Etong matanda na ‘to kanina pa ‘to e, pati isip ko nababasa mo?” Hindi pa rin sya umiimik. Sa isip lamang nya ito sinasalita. Hindi pa kaya huli ang lahat?

“Ibabalik kita kung saan ka nag-umpisa. Mula sa pagkain mo ng mga brownies na ‘yon hanggang sa pagtulog mo noon na busog na busog ka.”

"Sapagka't sa Diyos, walang imposible, bata."

Napatingin si Dino sa kanya.

“Ibabalik kita sa inay mo na nagluluksa, dininig na ng Diyos ang kanyang mga luha sapagkat walang ibang gusto ang Diyos kundi ang mapasaya ka.”

“Ngayon alam mo na ang mangyayari sayo pagkatapos ng dalawang libong taon, gusto ng Diyos na magbalik ka sa kanya bago pa hipan ang IKAPITONG trumpeta.”

“Magiging isa kang halimbawa sa mga adik sa lugar nyo. Walang trabaho at umaasa sa magulang, hindi ganyan ang gusto ng Diyos sa atin. Dahil isa ka sa kanila noon, ginamit ka ng Diyos para sa isang purpose.

“Nakikinig ka ba, bata?”

Nagtaka ang matanda, “asan na ang batang iyon?” Hinanap si Dino.

Nagising na si Dino mula sa pagkakahimbing. naabutan nya ang kanyang katawan na nakahiga sa altar nilang malaki. "Nauuhaw ako 'nay!!!" Sambit nya. Iyak ng iyak ang kanyang ina.

Napangiti ang matandang bantay.








































































































No comments:

Post a Comment